Isang Napakalaking Suliranin Sa Larangan ng Sine sa Pilipinas

Isa sa mga inaabangan kong pelikula ngayong taon ay ang “Goyo: Ang Batang Heneral”. Matapos ibahagi ni Direk Jerrold Tarog na gagawa sila ng trilogy, at matapos kong mapanood ang napakagandang masterpiece na siyang nagsimula ng cinematic universe na nakabase sa ating kasaysayan, talagang hinanda ko ang aking sarili para sa mga susunod na pelikula.

Ngunit, mayroong napakalaking problema: paano mapapanood ng mga Pilipino ang mga pelikulang tulad ng Heneral Luna at Goyo kung matapos lamang ng isang linggo sa sine ay papalitan na ito ng mga banyagang pelikula?

Kagabi, aking nalaman na nawala na sa listahan ng mga pelikula ng SM Baguio ang Goyo. Ang mga nakalista? The Nun, A Simple Favor, The Hows of Us, at The Predator. Sa totoo lang, wala naman sana akong reklamo rito kung ang ginawa nila ay hinati ang showing time ng bawat cinema upang maipalabas pa rin ang mga ito at hindi masakripsiyo ang pagpapalabas ng Goyo.

Matapos ang ilang oras, tiningnan kong muli ang listahan at napakasaya ko nang makita kong naroon na muli ang Goyo. Ngunit, ganoon pa man, totoo pa rin na paminsa’y inaalis sa mga sinehan ang mga Pinoy indie films kahit na isang linggo pa lamang itong pinapalabas. Noong panahon ng Heneral Luna, nagkaroon din ng malawakang outrage nang malaman ng mga tao na inalis ng mga sinehan ang pelikulang ito. At hindi lamang ito isolated case sapagkat maraming mga pagkakataong nagaganap ang ganito sa ating bansa.

Nakakagalit at nakakadismaya na ganito na lamang ang sitwasyon ng mga indie films sa Pilipinas. Hindi binibigyan ng makatarungang oras ng pagpapalabas ang mga pelikulang ito dahil sa tingin ng mga kapitalistang may-ari ng mga sinehan na hindi ito papatok sa masa. Hindi binibigyan ng tamang halaga ang mga aral at kwento na maibabahagi ng mga pelikulang tulad ng Goyo. Sinasabi nila na hindi ito kikita nang malaki dahil hindi ito romcom o ‘di kaya’y ika-labindalawang pelikula sa serye ng comedy nila Vice Ganda.

Pero sa katotohanan, kaya hindi nakikilala at kumikita nang malaki ang mga pelikulang ito dahil hindi sila binibigyan ng sapat na pagtangkilik na resulta ng hindi pagpapalabas ng mga ito. Kailangang bigyang pansin ang mga indie films, lalo na kung maganda at kalidad naman talaga ang mga ito.

Upang tapusin ang aking mahabang rant, ang nais ko lamang ay mabigyang importansya ang mga pelikulang tulad ng Goyo. Dapat lamang na mabigyan ito ng sapat na oras sa mga sinehan upang matangkilik ng mga Pilipino. Hindi dapat tinatanggal ang mga Pinoy indie films sa mga  sinehan para lamang mabigyang daan ang mga ibang pelikula na hindi naman “masustansya” para sa mga utak ng manonood.