Sabi Nila: Spoken Word Ukol sa Catcalling

Sabi nila, ligtas ka saan ka man pumunta.

Sabi nila, hindi ka makakaramdam ng takot kapag naglalakad ka sa kalsada.

Sabi nila, huwag kang mangamba.

May katotohanan ba ang mga “sabi nila”?

Isipin mo.

Naglalakad ka sa Burnham, nakikinig sa paborito mong banda tapos bigla na lang may, “Hi, miss! Ang ganda mo naman,” o “Hi, kuya! Ang bango bango mo naman.”

May, “Hi, sexy! Ngiti naman diyan oh!” o “Hi, babe. May boyfriend ka na ba?”

Minsan pa, wala man silang sabihin, kitang kita naman sa tingin. Tingin na para bang sa leon na nakakita ng usang walang kalaban-laban; hindi alam na may leong takam na takam sa kanyang katawan.

Walang kaalam-alam sa mga matang nakamasid, mga matang nakakakita lamang ng bagay na pwedeng angkinin, mga matang sumisigaw ng kawalang hiyaan na gusting gawin… sa usang walang kaalam-alam.

Sabi nila, ligtas ka saan ka man pumunta. Pero, paano mo mararamdamang ligtas ka kung napapaligiran ka ng mga leon na ang tanging gusto ay angkinin ka? Paano mo mararamdamang ligtas ka kung napapaligiran ka ng mga taong ang tingin sayo’y bagay lamang? At hanggang sa ang pagtingin na ito’y mas lalong bumababa, lumalala; na matapos mapawi ang pangangailangan ng ikalawang utak sa ibaba ay isasantabi na parang dumi na hinding hindi na titignang muli.

Sabi nila, hindi ka makakaramdam ng takot kapag naglalakad ka sa kalsada. Pero nasubukan na ba nilang maharang sa daan? May humawak sa braso upang ipakilala sa isang taong hindi pa nakita kailanman?  Tawaging “sexy”, “ganda”, “pogi”, “cute” ng mga taong hindi mo naman kilala? At kapag nailabas ito sa madla, tatanungin ka, “Ano bang suot mo?” Imbes na tulungan ka, tatawanan ka at sasabihang “Ganyan talaga ang buhay ng gwapong/gwapang katulad mo.” Hindi ba nila naisip na ang may kasalanan ay ang utak ng mga gumagawa nito? Hindi ba nila naisip na hindi tayo bagay kundi mga taong may nararamdaman at karapatan na dapat nirerespeto?

Sabi nila, huwag kang mangamba. Pero, paano mo gagawin ‘yon kung ang tingin lang sa’yo ay bagay na nilalagyan ng rating? Paano mo gagawin ‘yon kung sa bawat paglabas mo’y makakaranas ka ng catcalling? Paano mo gagawin ‘yon kung hindi ka na komportable sa sarili mong katawan, sa sarili mong pananamit na ginagawan pa ng paraan upang hindi lang mapansin kapag naglalakad sa daan?

Sabi nila, sabi nila, sabi nila.

Walang katotohanan ang mga “sabi nila” hangga’t mayroong mga leon sa paligid na takam na takam na ang turing lang sayo’y usang walang kaalam-alam. Walang katotohanan ang mga “sabi nila” hangga’t may mga taong naniniwala na ang mga nangyayaring ito’y dahil lamang sa pananamit at pag-asta ng usang walang kaalam-alam. Walang katotohanan ang mga “sabi nila” hangga’t ganito ang pag-iisip laban sa mga usang walang kaalam-alam.

 

***Ito’y sinulat para sa aming klase sa Filipino, kung saan kami’y inatasang gumawa ng isang spoken word ukol sa isang isyu sa komunidad, o kundima’y sa Pilipinas mismo.

Darating

Darating ang umaga na ididilat mo ang iyong mga mata at hindi mo man bigkasin, alam mong nagbago na ang iyong pakiramdam. Wala na ang malaking batong nakaharang sa’yong dibdib. Wala na ang tinik sa iyong puso. At nang subukan mo’y kaya mo nang huminga muli nang hindi nasasaktan.

Hindi man ngayon, darating din ang gabi na hindi mo na kailangang umiyak nang umiyak upang makatulog. Hindi man bukas, darating din ang araw na mawawala na nang tuluyan ang mga kadenang pumipigil sa’yo upang tuluyang maging tunay na masaya.

Kapit lang. Darating din ang panahon.